Nasungkit ni Dingdong Dantes ang kanyang kauna-unahang Best Actor trophy mula sa Philippine Movie Press Club (PMPC) sa ika-40 taon ng Star Awards for Movies.
Nanalo si Dingdong sa kanyang pagganap sa box-office movie nila ni Marian Rivera na Rewind.
Ka-tie ni Dingdong sa Best Actor award ang kapwa niya Kapuso star na si Alden Richards para sa movie niya with Julia Montes na Five Breakups and A Romance.
Ginanap ang event sa Henry Irwin Lee Theater ng Ateneo University sa Diliman, Quezon City noong Linggo, July 21, 2024.
Sa kanyang acceptance speech, nagpasalamat si Dingdong sa PMPC. Ibinahagi rin niya ang kanyang award sa kapwa nominado.
“Well, I’m very happy lang kasi ang laking… Yung pelikulang Rewind ay isa yun sa malakas na impact sa akin na pelikula sa mga nagawa ko.
“Kaya kapag nakikita ko ‘to, tuwing makikita ko ‘to, alaala ‘to ng movie na yun. Kaya thank you very much for this.”
DINGDONG, MARIAN AS BOX OFFICE KING AND QUEEN
Bukod sa Best Actor award, nakatanggap din ng parangal si Dingdong at ang kanyang misis na si Marian Rivera bilang Takilya King and Queen.
Panalangin niya, “Yun nga talaga. Dream nga namin na sana, e, magpatuloy yung ganoong klaseng box-office appreciation ng ating moviegoers.
“Hindi lang sa film festival kundi araw-araw, every week, monthly sa lahat ng pelikulang Pilipino especially our local films.”
Top grossing film ang Rewind sa 2023 Metro Manila Film Festival, at naiulat na umabot ng halos isang bilyong piso ang inabot ng gross sales nito worldwide.
Pero umiling si Dingdong at nagsabing wala siyang pelikulang isasali sa MMFF 2024.
“Konsensya,” maiksing saad muna ni Dingdong.
Sabay paliwanag niya: “Konsensya dahil nung nakaraang Christmas sobrang naging busy kami.
“Kahit mismong Christmas day nasa labas kami nagpro-promote ng movie.
“Yung mga anak namin naiwan sa bahay, di kami kasama. Mga bata pa sila.
“They’re supposed to be celebrating and enjoying Christmas kasama kami.
“So, we both decided na di kami ulit gagawa ng movie for MMFF.”
May mga offer daw sa kanila ni Marian for MMFF 2024, pero tinanggihan daw nila ang mga ito.
Samantala, ang iba pang nominado bilang Best Actor sa 40th Star Awards for Movies ay sina Sean De Guzman (Fall Guy), Christopher De Leon (When I Met You In Tokyo), Cedrick Juan (Gomburza), at Coco Martin (Apag).